(Binasang papel sa Pagdiriwang
ng Buwan ng Wika
ng STI Sta. Mesa Campus,
Agosto 31, 2019)
Naimbag a malem (Ilocano); Maayong udto (Cebuano/Ilonggo); Maupay nga
hapon (Waray); Maray na udto (Bicol); Mayap a gatpanapun (Pampango): Magandang hapon.
Bago ako magsimula, pakitapik ang katabi ninyo sa kaliwa at pakisabing MABAYA
KU SI KAU (I love you) (Yakan); pakitapik naman ung katabi ninyo sa kanan at
pakisabing IDDU TAKA (Ibanag)
Mayroon po bang nakababatid kung ano ang kahulugan ng mga pahayag na
sinabi ninyo?
Ang mga pahayag na iyan at ang pagbati ko sa inyo ay mga halimbawa ng
katutubong wika, mga salitang hindi pamilyar pero kabilang sa mapang
panlingguwistika ng ating bansa. Ang mga
wikang ito at iba pang wika sa bansa ay banyaga sa atin, aminin man natin o
hindi. Ito ang dahilan kung bakit
kailangan nating bisitahin ang mapang panlingguwistika ng ating bayan.
Sa websayt ng Komisyon sa Wikang
Filipino, ibinigay nila ang mga batayang simulain sa pagpili sa paksang “Wikang
Katutubo: Tungo sa Isang Bansang
Filipino” bilang paksa ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong taon. Bukod sa pakikiisa ito sa
pagtatalaga ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization
o UNESCO sa 2019 bílang taon ng mga katutubong wika sa buong daigidig o International
Year of the Indigenous Languages (IYIL), narito ang mga simulaing batayan ng
KWF:
Una,
ang Filipino bilang Wikang Pambansa ay tulay para maging wikang panlahat ng
mahigit sandaang wika sa buong kapuluan;
Ikalawa,
higit pa sa pagiging tulay, ang Filipino ay dapat payamanin sa pamamagitan ng
mga wikang katutubo; at,
Ikatlo,
kailangang gumawa ng mga hakbang upang sa isang banda ay igalang at mahalin ang
bawat katutubong wika at sa kabilang banda, panatilihin itong buháy at
ginagámit ng mga nagsasalita nitó.
Sa mga simulaing nabanggit, malinaw na hindi inihihiwalay ang pagkilala
sa Wikang Filipino bilang wikang Pambansa at wikang pandugtong o tulay ng mga
wikang katutubo. Malinaw ring hangad ng paksang
maikintal sa pambansang kamalayan ang halaga at gampanin ng wikang Filipino at
mga katutubong wika sa pagbuo ng isang bansang nagkakaunawaan.
Sa aklat nina Bernales at mga kasama (2008),
inilahad na ayon sa pag-aaral ni Ernesto Constantino, may higit sa apat na raan
(400) ang diyalekto na ginagamit sa kapuluan ng ating bansa. Sa Luzon, ilan sa
mga halimbawa nito ay ang Ibanag ng Isabela at Cagayan, Ilocano ng Ilocos,
Pampango ng Pampanga, Pangasinan ng Pangasinan at Bicolano ng Kabikulan. Sa
Visayas ay mababanggit ang Aklanon ng Aklan, Kinaray-a ng Iloilo, Antique at
Kanlurang Panay, Capiznon ng Hilaga-Silangang Panay at ang Cebuano ng Negros,
Cebu, Bohol at iba pa. Samantala ilan sa mga dayalekto sa Mindanao ay ang
Surigaonon ng Surigao, Tausug ng Jolo at Sulu, Chavacano ng Zamboanga, Davaoeño
ng Davao at T’boli ng Cotabato.
Sa Pilipinas, ayon sa KWF Atlas, may
130 katutubong wika tayo; samantala sa www.ethnologue.ph, may 175 tayong katutubong wika, apat dito ay hindi
na ginagamit kaya itinuturing nang patay.
Sa isang artikulo ng PIA o
Philippine Information Agency, ayon sa tala ng UNESCO, 2,680 wika ng
daigdig ang nanganganib maglaho sa hinaharap kung hindi magkakaroon ng
kongkretong pagpaplano at aksiyon sa pagsagip dito. Ibig sabihin, tinatanggap maging ng UNESCO na
kailangang may gawin upang masagip ang mga katutubong wika ng Pilipinas o ng
iba mang bansa. Ngunit bakit nga ba
kailangan nating sagipin ang mga wikang ito?
Ano ba ang wika?
Sa aklat nina Castillo at mga kasama nakatala na walang
bahid alinlangan na integral na bahagi ng tao ang wika. Gamit niya ito hindi
lamang upang mabuhay (to live) kundi maging upang makapanatili (to exist). Sa wika nailarawan ang tagumpay at pagkabigo.
Sa wika nasagot ang mga tanong at naipabatid ang mga kaalaman. Sa wika idinikta
ng mga pinuno ang kanilang kapangyarihan at sinakop ang kanyang hangganan. Ika
nga ng pilosopong Ingles na si Alfred North Whitehead, ang wika ng lipunan ay
nagpapakita ng kanyang kaisipan, ng salamin ng kanyang lahi, at ng kanyang
katauhan.
Kasangkapan ng tao ang wika upang makipag-ugnayan sa
kanyang kapwa. May taglay itong kapangyarihang umaangkop sa pangangailangan ng
panahon upang maipagpatuloy ang sibilisasyong pantao. Ayon nga kay Zdenek Salzman,
ang wika ay may kapangyarihang taglay upang mapanatili ang pakikipamuhay sa
mundo.
Ani nga ni Pambansang
Alagad ng Sining para sa Literatura Bienvenido Lumbera sa kanyang sanaysay,
parang hininga ang wika, sa bawat sandali ng buhay natin ay nariyan ito.
Batay naman sa KWF, kinilala ang wika bilang kaluluwa
ng bansa at kabilang ito sa pamanang pangkultura o intangible heritage ng isang
lahi. Sa wika matatagpuan ang mga kayamanang pangkultura tulad ng identidad,
gunita, oral na tradisyon, at panitikang nakasulat.
Mula naman kay Abadilla sa kanyang artikulong
“Epistemolohiyang Filipino sa Karunungang Pilipino”, sinasalamin ng wikang Filipino ang pagkatao,
pagkabayan, pagkamamamayan at pagkalahi ng mga Pilipino. Ang wika ay mukha at isip na magkakaiba sa
sangkatauhan.
Ang kultura ay naisasalin sa wika at ang wika ay naglalahad ng
kasaysayan ng mga taong gumamit nito.
Sa mga kahulugang
nailahad, malinaw na naibigay ang mga gampanin, tungkulin at kahalagahan ng
wika, pambansa man o katutubo. Nabigyang-diin
na ang wika ang nagbubuklod sa mamamayan ng isang lipunan habang nagtitipon ito
ng pagkakakilanlan ng isang lahi. Ngunit
paano nga ba kapag maraming wika tulad ng kalagayan ng Pilipinas?
Sa ating bansa,
yaman ang pagkakaroon ng maraming katutubong wika sapagkat marami ang maaaring
maging hugutan upang ganap na mapaunlad ang wikang pambansa at maisakatuparan
ang itinakda ng batas. Ayon nga sa ating
Saligang Batas ng 1987, sa Artikulo 14 na may titulong Edukasyon, Agham at
Teknolohiya, mga Sining, Kultura at Sports, sa ika-6 na seksyon nakasaad na ang
wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino.
Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig
sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika. Sa ika-7ng seksyon naman nakasaad na ang mga
wikang panrehiyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at
magsisilbi na pantulong na mga wikang panturo roon. Nangangahulugang binigyan ng kapangyarihan ng
batas ang mga wikang katutubo upang magamit na mga wikang pantulong at saligan
sa pagpapayaman at pagpapayabong ng wikang pambansa. Nangangahulugan ding hindi natin nakikitang
suliranin ang pagkakaiba-iba ng ating wika, bagkus ito ay lakas na kailangang
pagyamanin. Ang ganitong punto ay pinagtibay
pa ng Akto Republika 7104 na nag-atas sa KWF upang bumuo ng mga polisiya, plano
at programa upang matiyak ang pagpapaunlad, pagpapayaman, pagpapagamit at
pagpapanatili ng wikang Filipino at iba pang wika sa Pilipinas.
Maaari nating iangkla sa nabanggit na akto ang paggamit ng basikong
edukasyon ng mother tongue-based education, bagamat alam nating bunsod ito ng
pag-aaral ng Summer Institute of Linguistics mula sa karanasan ng Lubuagan
Kalinga. Sa pag-aaral na ito (2008),
napatunayang higit na mahuhusay ang mga mag-aaral kung ang gamit ng guro sa
pagtuturo ay ang una o inang wika ng mga mag-aaral na Lilubuagen. Ginamit ang wikang natural o katutubo ng mga
mag-aaral upang matutunan ang iba pang wika tulad ng Filipino at Ingles. Ginamit na tulay ang katutubong wika bilang
tulay ng pagkatuto sa pangalawang wika.
Napatunayan ng pag-aaral na kung magiging mahusay ang isang mag-aaral sa
kanyang katutubong wika, magiging mahusay rin siya sa kanyang pangalawang wika.
Malinaw na naipakita ng talahanayan na ang paggamit ng katutubong wika
bilang wikang panturo ay hindi nagpahirap sa pagkatuto sa ikalawang wika. Kabaligtaran sa nababatid ng marami na
kailangang gumamit agad ng wikang dayuhan upang maging mahusay sa wikang ito o
anumang larangan, na nakita sa naging resulta ng pag-aaral.
Ang ganitong punto ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng mga wikang
katutubo upang makabuo ng isang wikang panlahat, wikang pambansa sapagkat higit
na magiging panlahat o pambansa ang wika kung ito ay mauunawaan at ginagamit ng
mahusay ng nakararami.
Sa prinsipyo ng lingguwistika, ang maagham na pag-aaral ng wika, inaalam
ang ubod ng wika upang ganap na matutunan.
Ano-ano nga ba ang katangian ng wika?
- Sinasalitang tunog ang wika
- May masistemang balangkas ang wika
- Arbitraryo ang wika
- Ginagamit sa pakikipagtalastasan ang wika
- Pantao ang wika
- Kabuhol ng kultura ang wika
Ang mga ito ay panandang hindi maihihiwalay ang katutubong wika sa
pambansang wika o anumang wika. Upang
ganap mong matutunan ang ikalawang wika, kailangan mo munang alamin ang tunog,
balangkas at kulturang kaakibat ng iyong unang wika. Sa pag-alam mo sa mga ito, nahahasa ang iyong
kahusayang panlingguwistika kaya’t nagiging madali na ang pagkatuto ng anumang
wika, higit kung dayuhan ang wika at hindi natural ang paggamit nito sa
lipunang iyong kinabibilangan.
Dahil “ipinipilit” sa atin ang isang wikang hindi katutubo sa atin,
nagkakaroon tayo ng “kalituhan” sa nararapat na wikang gagamitin. Hindi tayo nagiging bihasa sa anumang wika,
bagkus ay pareho natin itong “nasasalaula”.
Sa pag-usbong ng iba’t ibang “anyo” ng salita, kinailangang bigyan ng
antas ang wika upang mauri ito at maiwasto ang paggamit. Sa aklat nina Carpio at mga kasama, may
limang antas ang wika:
- Balbal
- Lalawiganin
- Kolokyal
- Pambansa
- Pampanitikan
Ang mga kaantasang ito ng wika ang nag-aangkop sa mga salitang ginagamit
sa pakikipagtalastasan. Sapagkat ang
tagumpay sa pakikipagtalastasan ay nababatay sa kaalaman at kasanayan sa lawak
ng wikang ginagamit, gayundin sa pagtitiwala sa sarili sa pagpapadala ng
mensaheng may kahalagahan.
Gayunman, sa Pilipinas na isang multilingguwal na bansa, maraming
dapat bigyang-konsiderasyon sa pagkakaroon ng maraming wika. Isa na rito ang pagkakaiba-iba
sa magkakamag-anak na wika o barayti ng wika. Ayon kay Constantino mula sa
aklat nina Bernales at mga kasama, ang pagkakaroon ng barayti ng wika ay
ipinapaliwanag ng teoryang sosyolingguwistik na pinagbatayan ng ideya ng
pagiging heterogenous ng wika. Ayon sa teoryang ito, nag-uugat ang mga barayti
ng wika sa pagkakaiba-iba ng mga indibidwal at grupo, maging ng kani-kanilang
tirahan, interes, gawain, pinag-aralan at iba pa.
Ano-ano nga ba ang barayti ng wika?
- Diyalekto
- Sosyolek
- Rehistro ng wika
a. Jargon
b. Idyolek
Ang mga barayting ito ay ibubuod natin sa dalawang baryabilidad
lamang: baryasyong sosyal at baryasyong
heograpiko. Sa pag-aaral ng mga sosyolingguwista, tinalakay nila ang
epekto ng lipunan sa wika ng tao. Ang pag-usbong ng mga baryasyon ng wika ay
may malaking kinalaman sa estado ng buhay, kasarian, trabaho, antas ng
pinag-aralan at paniniwala. Maging ang
teritoryo, lugar o espasyo ay may malaking epekto sa pagkakaroon ng barayti ng
wika. Ang mga bansang binubuo ng mga
pulo ay tiyak na kakikitaan ng iba’t ibang wika kahit na ang mga wikang ito ay
mula lamang sa iisang angkan.
Samantalang ang mga bansang peninsular o isang isla lamang tulad ng
Japan, ay tiyak na monolingguwal o may iisang wika lamang. Samakatuwid, ang
ugnayan ng mga tao sa loob ng isang komunidad o lipunan ay nakaiimpluwensya sa
pagkakaroon ng barayti
Ayon kay Jean Jacques Rousseau, (1950) na
hinango sa libro nina Castillo at mga kasama, ang pagkakaiba sa kultura at wika
ay nagbubunga sa bawat panahon, pag-uugali at kaasalan, na may kaugnayan sa di
pagkakapantay-pantay ng mga wika, sangkot ang tagapagsalita, kultura at
sibilisasyon. Walang isang wika ang nakahihigit sa iba pang wika. Ang
pagkakaroon ng dibersidad pangwika sa ating bansa ay bunga ng dimensiyong
heograpikal. Ang ating teritoryo ay arkipelago kaya nahati ito sa iba’t ibang
rehiyon na kakikitaan ng iba’t ibang wika. Ang Wikang Tagalog, halimbawa ay
sinasalita, hindi lamang sa Maynila kundi maging sa malaking bahagi ng Luzon.
Dahil sa magkakaibang lugar, nagkaroon ito ng barayti na makikita sa paraan ng
pagsasalita, tono o punto at estruktura ng pangungusap.
Dito pumapasok ang kaisipan ng dibersidad panlingguwistika. Ito ang tiyak na panukat sa densidad o lawak
ng wika o pagtutuon sa pagsasama-sama ng mga wikang may mga sariling
kakanyahan. Sakop nito ang iba’t ibang
kaangkinan ng wika tulad ng balarila, talasalitaan, at diskurso. Isang pangangailangan ang dibersidad o
pagkakaiba-iba tungo sa ganap na pagbabago at pag-unlad at ang pinakamalakas na
ekosistema ay ang may pinakamalawak na pagkakaiba-iba. Ang pagkamatay ng isang wika ay makabuluhang
pagkawala sapagkat nagpapakita ito ng pagkawala o kamatayan ng minanang
kaalaman at kultura.
Ayon sa KWF, maituturing na
"endangered" ang isang wika sa iba-ibang antas: kung hindi naisaayos
ang sistema nito, kung hindi na naipasa ang wika ng mga matatanda sa
nakababata, kung tanging matatanda na lang ang nagsasalita nito, o kung hindi na
ito ginagamit ng kahit sinong buhay na tao.
Sa websayt ng study.com isinaad na tinatayang 96% ng mga wika ay
sinasalita lamang ng 3 – 4 % ng tao.
2,000 ng mga wika sa daigdig ay mas kaunti sa 1,000 ang katutubong
mananalita. Ang ganitong kalagayan ay
kinilalang penomenang pangkultura. At
higit na pangangalaga sa mga katutubong wika ang kailangan.
Dapat
banggitin na nirebisa ng KWF ang kasalukuyang ortograpiyang Filipino upang
maging bukás sa pagtanggap ng mga katangiang pangwika na wala sa Tagalog. Sa
ngayon, ang pinalalaganap na Ortograpiyang Pambansa (OP) ay nagtataglay na ng
mga dagdag at mungkahing katangiang pangwika na mula sa mga katutubong wika. At kasalukuyang binubuo ang isang pambansang
adyenda sa pagsagip sa mga nanganganib na wika at hinihikayat ng KWF ang
lubusang pakikiisa sa proyektong ito ng mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng
DepEd, DILG, NCIP, NCCA, NEDA, at DSWD.
Ang
mga pagkilos na ito ang magbubuo sa mga wikang katutubo tungo sa isang wikang
Filipino.
Dapat ding banggitin natin na may global
nang pagkilala ang wikang Filipino.
Isang patunay ang isang koreanang nagtapos ng pag-aaral sa Busan
University na nagmedyor sa Filipino at ang pagtuturo ng wikang Filipino sa
Canada (mula sa facebook.com).
Ibilang pa ang paghahain ng programang
Philippine Studies sa University of London; Master of Arts in Filipino sa
Beijing, China; programang Philippine Studies sa Gaida University sa Osaka,
Japan; BA in Filipino sa University of Hawaii; at bilang mga kurso o asignatura
sa Busan University of Foreign Studies; Sorbonne University, France; Mataas na
Paaralan sa Melbourne, Australia; at San Diego, California. Higit na maipagyayabang na kinikilala at
itinuturo sa 70 mataas na paaralan sa San Diego, California na ang filipino ay
“world’s language”.
Sa pagtatapos ko, nag-iiwan ako ng hamon
sa inyong lahat… totoong binigyan na ng pinalidad ng CHED ang pagtatanggal sa
Filipino sa kolehiyo, subalit nag-iwan ng probisyon ang Korte Suprema sa
pagpapahintulot sa mga Higher Education Institutions na maghain pa rin ng
Filipino sa kolehiyo… magtimbang ng katotohanan… matagal nang panahon
namamayani sa kaisipan ng mga Pilipino na higit na kailangan ang wikang Ingles
upang umunlad, pero may kaunlaran nga ba sa ating lipunan? Ang South Korea ay hindi nag-aral mag-Ingles
pero maunlad ang kanilang bayan. Ang
Japan ay hindi tinanggap ang konseptong kailangang matuto ng ibang wika, maunlad
ang kanilang ekonomiya. Ang China ay
nananatiling sariling wika ang gamit sa lahat ng larangan maging sa teknolohiya,
hindi pahuhuli sa mayayamang bansa.
Huwag maging dayuhan sa sariling
bayan. Huwag maging mulala sa sariling
wika.
Muli, mayad nga hapon (Aklanon). Raku gid nga Salamat (Karay-a)
Sanggunian:
Abadilla, Bayani. EPISTEMOLOHIYANG FILIPINO SA KARUNUNGANG
PILIPINO. Filipinolohiya, 2002 Bernales, Rolando A. et al. (2008). Mabisang
Komunikasyon sa Wikang Pang-Akademiko. Mutya Publishing: Malabon City. Carpio, Perla D. et. al. Komunikasyon sa Akademikong Filipino, 2012 Castillo, Mary Joy A., et.al. PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK |
P2TP Jimczyville Publications Padre, Joe.
Mother tongue instruction in Lubuagan:
A case study from the Philippines. SpringerLink/International Review of
Education, Vol 1/ 1995 – Volume 57/2011 https://www.ethnologue.com/country/PH https://pia.gov.ph/news/articles/1022914 Tagalog PR: Wikang Katutubo: Tungo sa Isang
Bansang Filipino ang tema ng Buwan ng Wika 2019 By KWFPublished on June
6, 2019
Mayroong 175 wika sa Pilipinas, 171 dito ay
nanatiling gamit pa at 4 ay tuluyang lumipas na. Ang
mga sumusunod ang 171 na buhay na wika sa Pilipinas (ethnologue.com):